Pumangatlo ang Cagayan Valley Medical Center o CVMC sa 79 na pagamutan ng Department of Health sa buong bansa matapos makakuha ng 92-percent accomplishment rating sa 2025 Level 2 Performance Scorecard ng DOH.

Ayon kay CVMC Medical Center Chief Dr. Cherry Lou Antonio, bunga ito ng sama-samang pagsisikap at dedikasyon ng mga healthcare workers at iba pang kawani ng ospital.

Kabilang sa sinuri ang turnaround time sa emergency, laboratory at diagnostic services, paggamit ng pondo, accreditation, customer feedback, performance ng mga departamento at operasyon ng specialty centers. Sa 14 specialty centers ng CVMC, walo na ang fully functional.

Sinabi ni Antonio na isinailalim din sa on-site validation ng DOH Central Office ang mga dokumento, imprastraktura at iba pang accomplishment ng ospital.

Patuloy namang pinapahusay ng CVMC ang serbisyo sa pamamagitan ng dagdag na frontline personnel, fast lane para sa ilang PWD at kwalipikadong pasyente, appointment system sa outpatient department, at mas pinaigting na patient navigation at referral system.

-- ADVERTISEMENT --

Umaabot sa 300 hanggang 400 pasyente kada araw ang outpatient department, habang nasa 100 hanggang 180 naman ang kumukonsulta o naa-admit sa emergency department.

Ayon kay Antonio, hindi magiging dahilan ng pagiging kampante ang pagkakakuha ng mataas na rating, kundi magsisilbing hamon upang lalo pang mapabuti ang serbisyo ng CVMC para sa mga pasyente at komunidad.