Narekober ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang isang M14 rifle, 116 na bala, mga pampasabog at mga dokumentong hinihinalang may kaugnayan sa Communist Terrorist Group (CTG) sa Barangay Mabuno, Gattaran, Cagayan, nitong Oktubre 15.

Isinagawa ang operasyon ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company katuwang ang iba pang law enforcement units, batay sa impormasyong ibinahagi ng isang dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan.

Kabilang sa mga nakumpiska ang dalawang high-explosive rifle grenade, dalawang non-electric blasting cap at 12 pahina ng mga dokumento.

Dinala sa kustodiya ng Cagayan Provincial Explosive and Canine Unit ang mga pampasabog, habang isinailalim sa kaukulang dokumentasyon ang iba pang nakuhang kagamitan.

Ayon sa PNP, magpapatuloy ang intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na awtoridad upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko at kapayapaan sa lalawigan.

-- ADVERTISEMENT --