
Nakapagtala ng 346 na kaso ng dengue sa Tuguegarao City mula Enero hanggang Oktubre 10 ngayong taon, ngunit wala namang naitalang nasawi dahil sa sakit.
Ayon kay Dr. Robin Zingapan ng Tuguegarao City Health Office, mas mataas ito ng limang kaso kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa Barangay Caggay na may 37, sinundan ng Barangay Balzain na may 29, at Barangay Ugac na may 19 na kaso.
Karamihan sa mga tinamaan ng dengue ay mga batang nasa edad anim hanggang 17 taong gulang, kabilang ang mga mag-aaral sa elementarya.
Inilahad ni Zingapan ang naturang datos sa kanyang pagharap sa regular session ng Sangguniang Panlungsod, kasunod ng imbitasyon ng konseho upang talakayin ang mga plano at hakbang kaugnay ng epekto ng Super El Niño sa kalusugan ng mga residente.
Bilang bahagi ng pag-iwas at pagkontrol sa dengue, nagsasagawa ang City Health Office ng information dissemination sa mga barangay upang palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa mga hakbang laban sa sakit.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Zingapan ang mga residenteng mag-iimbak ng tubig bilang paghahanda sa El Niño na tiyaking may takip ang mga lalagyan upang hindi pamugaran ng mga lamok na nagdadala ng dengue.
Samantala, iminungkahi ni City Councilor Ronald Ortiz na i-refer sa kaukulang komite para sa masusing pag-aaral ang mga hakbang na maaaring ipatupad sa mga paaralan, lalo na sa mga silid-aralang walang air-conditioning, upang matukoy ang angkop na paraan ng pag-iwas sa dengue at mapangalagaan ang kalusugan ng mga mag-aaral.










