Tinatayang 23,000 paaralan sa bansa ang walang punong-guro dahil marami sa mga aplikante ang hindi nakapapasa sa qualifying examination, ayon sa Department of Education (DepEd).

Sa pagdinig sa panukalang 2027 budget ng ahensya sa Senate Finance Committee nitong Biyernes, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na pinag-aaralan nilang luwagan ang National Assessment for School Heads o NASH upang mas maraming aplikante ang makapasa at maitalaga bilang mga punong-guro.

Sa ilalim ng binagong proseso, ang mga aplikanteng bumagsak lamang sa ilang bahagi ng pagsusulit ay maaari nang sumailalim sa kinakailangang pagsasanay o intervention sa halip na ulitin ang buong pagsusulit.

Ayon naman kay DepEd Undersecretary Wilfredo Cabral, sa mahigit 45,000 paaralan sa bansa, nasa 22,000 lamang ang may punong-guro.

Bagama’t nakakuha na ang DepEd ng 6,000 posisyon para sa mga punong-guro ngayong 2026, nananatiling hamon ang pagpuno sa mga bakanteng posisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Kinuwestiyon naman ni Senate President Sherwin Gatchalian ang kawalan ng pondo para sa paglikha ng mga bagong posisyon ng punong-guro sa panukalang 2027 budget ng ahensya.

Ayon sa DepEd, humiling ito ng pondo para sa mahigit 14,000 karagdagang posisyon na tinatayang mangangailangan ng ₱10.5 bilyon. Gayunman, hindi ito nabigyan ng kaukulang pondo. Kabilang sa mga pinag-aaralang paraan upang punan ang kakulangan ang promosyon o reclassification ng mga guro.

Samantala, sa 10,000 posisyon para sa school counselor associates na pinondohan ng pamahalaan, nasa 5,447 o 54 porsiyento na ang napunan. Target ng DepEd na makumpleto ang pagkuha sa mga ito pagsapit ng Disyembre 2026.

Humiling din ang ahensya ng karagdagang 1,800 posisyon para sa school counselor associates sa 2027, na mangangailangan ng ₱519 milyon, habang mahigit 14,000 bagong posisyon naman para sa mga guro ang target na likhain sa susunod na taon.

Binigyang-diin din sa pagdinig ang kakulangan ng mga guro para sa Special Needs Education. Sa kasalukuyan, mahigit 6,000 guro ang nasa iba’t ibang posisyon para sa mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan.

Upang matugunan ang tinatayang 400,000 mag-aaral na nangangailangan ng naturang edukasyon at maabot ang target na isang guro sa bawat limang mag-aaral, kinumpirma ng DepEd na mangangailangan ng humigit-kumulang 80,000 karagdagang guro.