
Palalakasin ng Department of Education (DepEd) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang seguridad sa mga paaralan sa pamamagitan ng pag-deploy ng mga barangay tanod at pagpapalawak ng saklaw ng pambansang 911 emergency system sa mga paaralan.
Nakasaad ito sa joint memorandum circular na nilagdaan ng dalawang ahensya noong Oktubre 14, sa pangunguna nina Education Secretary Sonny Angara at Interior Secretary Jonvic Remulla.
Kasabay ng paglagda sa kasunduan, nagsagawa rin ang mga opisyal ng school safety audit at emergency drill sa Bangkal High School sa Makati City.
Sa ilalim ng kasunduan, maaaring makipag-ugnayan ang mga paaralan sa kani-kanilang barangay upang humiling ng tulong ng mga tanod sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa loob at paligid ng mga paaralan.
Gayunman, nilinaw ng DepEd na hindi papalitan ng mga barangay tanod ang mga awtoridad ng paaralan o ang mga alagad ng batas.
Sasailalim din ang mga tanod sa oryentasyon upang matiyak na mapangangalagaan ang karapatan ng mga mag-aaral, masusunod ang mga patakaran sa child protection, at mapananatili ang kaligtasan sa mga paaralan.










