
Nagpatupad ng mas mahigpit na seguridad ang Ateneo de Zamboanga University (AdZU) kasunod ng kumakalat na mga mensahe hinggil sa umano’y banta ng karahasan bukas, araw ng Lunes, Oktubre 19.
Sa pahayag ng AdZU Grade School Department, kinikilala ng pamunuan ang pangamba at pagkabahala ng mga pamilya, lalo’t dalawang buwan pa lamang ang nakalilipas mula nang mangyari ang pamamaril sa paaralan noong Agosto 18.
Gayunman, nilinaw ng unibersidad na batay sa beripikadong impormasyon, wala pang natutukoy na kumpirmadong banta.
Patuloy namang sinusuri ng pamunuan ang mga natanggap na impormasyon at nakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para sa karagdagang beripikasyon at nararapat na hakbang.
Kabilang sa mga ipinatupad na hakbang sa Kreutz Campus ang mas mahigpit na pagsusuri sa mga pumapasok, paggamit ng metal detector, inspeksiyon ng mga bag sa pamamagitan ng X-ray, at pagkontrol sa pagpasok sa campus.
Palalakasin din ang seguridad sa paligid ng paaralan at dadagdagan ang mga security personnel na nagpapatrolya.
Ayon sa unibersidad, agad nitong ipaaalam sa publiko ang anumang bagong impormasyon na mangangailangan ng karagdagang pag-iingat o pagbabago sa mga kaayusan sa paaralan sa pamamagitan ng mga opisyal na channel nito.
Noong Agosto 18, dalawang estudyante ang nasawi, kabilang ang suspek na bumaril, habang isa pang estudyante ang nasugatan sa naganap na pamamaril sa paaralan sa Zamboanga City.
Binigyang-diin ng pamunuan na patuloy itong kikilos upang mapangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante, gayundin ang maibalik ang tiwala ng komunidad sa pamamagitan ng maingat, malinaw, at responsableng pagtugon sa sitwasyon.








