Pinalalakas ng mga awtoridad ang paghahanda para matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng publiko sa paggunita ng Undas 2026, sa inaasahang pagdagsa ng mga dadalaw sa mga sementeryo at memorial park sa bansa.

Sa Metro Manila, nasa 12,325 pulis at iba pang tauhan ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa police visibility, crowd management, traffic assistance, anti-criminality operations at mabilis na pagtugon sa mga emergency.

Magsisimula ang full alert status ng NCRPO alas-12:01 ng madaling-araw sa Oktubre 30, kasabay ng mahigpit na pagbabawal sa pagliban ng mga tauhan sa kanilang tungkulin.

Inaasahang dadami ang mga bibisita sa mga sementeryo ngayong taon dahil sasapit sa weekend ang Undas. Posibleng umabot sa dalawang milyon o higit pa ang dadagsa sa Manila North Cemetery sa Nobyembre 1.

Pinaalalahanan naman ang publiko na sundin ang mga ipinagbabawal na gamit sa mga sementeryo, bantayan ang mga personal na kagamitan at tiyaking nakasara at ligtas ang mga tahanan bago bumiyahe.

-- ADVERTISEMENT --

Pinapayuhan din ang mga pamilya na planuhin nang maaga ang kanilang pagbisita upang maiwasan ang matinding siksikan at makatulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa panahon ng Undas.