Ide-deploy ang mahigit 20,000 pulis ng National Capital Region Police Office (NCRPO) upang tiyakin ang seguridad sa State of the Nation Address (SONA) 2026 na gaganapin sa Hulyo 27, 2026 sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

Ayon sa NCRPO, nasa 20,229 na mga pulis ang nakatakdang magbantay sa SONA, katuwang ang iba pang yunit ng kapulisan mula sa Metro Manila at mga karatig-rehiyon bilang bahagi ng komprehensibong security plan upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.

Sinabi ni NCRPO spokesperson P/Major Hazel Asilo na nasa heightened alert status na ang buong puwersa, habang suspendido ang lahat ng leave at day off ng mga pulis bilang paghahanda sa naturang okasyon.

Aniya, nakahanda ang NCRPO na itaas sa full alert status ang kanilang puwersa kung kakailanganin, batay sa patuloy na isinasagawang security assessment.

Inaasahan din ng NCRPO ang mga kilos-protesta ng mga grupong pabor at tutol sa pamahalaan sa araw ng SONA.

-- ADVERTISEMENT --

Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa mga lokal na pamahalaan at mga organizer upang matukoy ang mga lugar na pagdarausan ng mga demonstrasyon at matiyak na maisasagawa ang mga ito nang mapayapa.

Layunin din ng mga awtoridad na paghiwalayin ang mga lugar ng mga nagpoprotestang grupo upang maiwasan ang anumang komprontasyon.

Binigyang-diin ng NCRPO na patuloy nitong igagalang ang karapatan ng mga mamamayan sa mapayapang pagtitipon, kasabay ng pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng publiko.

Samantala, pinag-aaralan din ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng gun ban at liquor ban sa araw ng SONA, depende sa magiging resulta ng security assessment at rekomendasyon ng mga lokal na pamahalaan.