Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang nakikitang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at prime commodities sa nalalapit na paggunita ng Undas.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, nananatiling matatag ang presyo ng maraming produkto, kabilang ang mga kandila, bottled water at iba pang karaniwang binibili ng publiko sa panahon ng Undas.

Patuloy aniya ang pag-iikot at pagsubaybay ng DTI sa mga pamilihan at manufacturing plant upang matiyak na sumusunod ang mga negosyante sa umiiral na presyo.

Nakikipag-ugnayan din ang ahensiya sa mga manufacturer at retailer, habang marami pa umanong pabrika ang may sapat na imbentaryo ng mga produkto.

Kabilang sa mga pangunahing bilihin na minomonitor ng DTI ang ilang de-latang pagkain, gatas, 3-in-1 coffee, tinapay, sabong panlaba, kandila at cooking gas.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag ni Roque, wala pang natatanggap na kahilingan mula sa mga manufacturer para sa taas-presyo.

Wala rin umanong indikasyon sa ngayon na magtataas ang presyo ng mga bilihin dahil sa El Niño.

Patuloy namang minomonitor ng DTI ang presyo at suplay ng mga produkto upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa hindi makatarungang pagtaas ng presyo.