Inendorso ng Senate Finance subcommittee sa plenaryo ng Senado ang panukalang P28.04-bilyong budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga attached agency nito para sa 2027.

Sa presentasyon ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna, P20.62 bilyon ang ilalaan sa central office, mga bureau, regional office at iba pang tanggapan ng departamento.

Kabilang sa iba pang paglalaanan ang P3.10 bilyon para sa Environmental Management Bureau, P1.98 bilyon sa National Mapping and Resource Information Authority, P1.89 bilyon sa Mines and Geosciences Bureau, P284.35 milyon sa National Water Resources Board at P149.3 milyon sa Palawan Council for Sustainable Development Staff.

Sa pagdinig na pinangunahan ni Senador Risa Hontiveros, hinimok niya ang DENR na bigyang-prayoridad ang paghahanda at pagtugon sa mga emergency kaugnay ng banta ng super El Niño at malawakang tagtuyot.

Iminungkahi rin ni Hontiveros ang paglalaan ng pondo para sa maliliit na water impounding system na mag-iipon ng tubig-ulan, gayundin ang paggamit ng mga alternatibong teknolohiya para sa suplay ng malinis na inuming tubig.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, hiniling nina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Senador Pia Cayetano na palakasin ang edukasyong pangkalikasan sa mga paaralan, katuwang ang Department of Education at Commission on Higher Education, upang maisama sa kurikulum ang praktikal na kaalaman sa pangangalaga ng kalikasan at pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad.