
Iniutos ng Sandiganbayan Third Division ang preventive suspension kay Senator Rodante Marcoleta kaugnay ng kinakaharap niyang plunder case sa anti-graft court.
May kaugnayan ang kaso sa umano’y hindi idineklarang campaign contributions na nagkakahalaga ng P75 million.
Sa resolusyong inilabas nitong October 19, sinabi ng Sandiganbayan na nakabatay ang suspension sa Plunder Law at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon sa korte, mandatory ang preventive suspension kapag may valid information o pormal na sakdal sa ilalim ng mga naturang batas. Hindi rin umano kailangan ng pre-suspension hearing bago ipatupad ang suspensyon sa kasong plunder.
Dagdag pa ng Sandiganbayan, sapat ang mga alegasyon sa information upang tumugma sa mga elemento ng plunder at paglabag sa Presidential Decree 46, na nagbabawal sa mga public official na tumanggap ng regalo.
Awtomatikong matatapos ang preventive suspension matapos ang 90 araw mula sa pagpapatupad nito.









