Hinimok ni Senador Robin Padilla ang mga kritiko ni Chinese Ambassador Jing Quan na personal itong kausapin bago husgahan, kasunod ng kanilang pagkikita sa ASEAN-Chinese Business Leaders Summit.

Ayon kay Padilla, hindi umano nagbabanta sa Pilipinas ang diplomat sa kabila ng mga naging pahayag nito, at inilarawan pa niya si Jing bilang isang “edukado” at “gentleman.”

Giit ng senador, mas mainam na personal na makilala at makausap ang isang tao bago ito husgahan, sa halip na umasa lamang sa mga komento at batikos sa social media.

Matatandaang sinabi ni Jing sa isang panayam na magiging “easy win” para sa China ang Pilipinas sakaling gumamit ito ng puwersa, sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa West Philippine Sea.

Dahil dito, ipinatawag ng Department of Foreign Affairs si Jing upang ipahayag ang pagtutol ng Pilipinas sa mga pahayag na itinuring na tila pagbabanta sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, nang tanungin kung napag-usapan nila ni Jing ang kontrobersiyal na mga pahayag nito, sinabi ni Padilla na naputol ang kanilang pag-uusap.

Samantala, kinuwestiyon ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang paglalarawan ni Padilla kay Jing bilang isang “educated gentleman.”

Binigyang-diin ni Tarriela na hindi sapat ang panawagang personal na kausapin ang embahador dahil si Jing mismo ang pinagmulan ng mga pahayag na naging sentro ng kontrobersiya.

Ipinunto rin ni Tarriela na posibleng malapit si Padilla kay Jing kaya ganoon ang naging paglalarawan ng senador sa diplomat.