
Tiniyak ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga senador na wala na sa panukalang 2027 national budget ang mga probisyong idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema sa mga badyet para sa 2024 at 2025.
Ayon kay Budget Secretary Kim De Leon, hindi na kasama ang Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs o SAGIP sa unprogrammed appropriations (UA) para sa 2027.
Idineklarang ilegal ng Korte Suprema ang SAGIP items sa mga nakaraang badyet dahil binigyan nito ang ehekutibo ng kapangyarihang tukuyin o ilaan ang pondo matapos maipasa ang badyet—isang tungkuling nakalaan sa Kongreso.
Ipinaliwanag ni De Leon na nagtakda ang Korte Suprema ng mga limitasyon upang matiyak na naaayon sa Konstitusyon ang paggamit ng UA, kabilang ang pagbabawal sa pondong walang tiyak na paggagamitan o lump sum.
May UA pa rin sa panukalang 2027 budget, ngunit ito na ang pinakamababa mula noong 2019. Ang naturang pondo ay maaari lamang gamitin kapag naabot o nalampasan ng pamahalaan ang target na kita, maliban sa mga naaangkop na eksepsiyon.
Tiniyak din ng DBM na mababayaran ang mga obligasyon ng pamahalaan para sa foreign-assisted projects, na direktang pinopondohan sa pamamagitan ng mga development institution.
Samantala, sinabi ni Senador Francis Pangilinan na ang doktrinang post-operative fact ay ilalapat sa mga badyet para sa 2024 at 2025, batay sa kaniyang pakikipag-usap kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, na sumulat ng desisyon.










