
Nakararanas ng malalakas na alon at hangin ang Batanes at ilang bahagi ng Cagayan dahil sa bagyong Rosal, bagama’t humina na ang sama ng panahon nitong Huwebes.
Dahil sa malalakas na hangin at alon, nakadaong muna ang mga bangka sa Batanes upang maiwasang tangayin ng dagat. Ang ilan sa mga sasakyang pandagat ay dinala sa shelter port sa Mahato.
Ipinagbawal din sa mga residente ang pamamangka, paglangoy at paglapit sa baybayin bilang pag-iingat. Nasa Code Red ang lalawigan, habang may ilang residente namang naglagay ng panangga sa kanilang mga bintana bilang paghahanda sa epekto ng bagyo.
Suspendido rin ang klase at trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Batanes hanggang Biyernes, maliban sa mga ahensiyang may tungkuling panatilihin ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Samantala, madilim ang kalangitan at malalakas din ang alon sa Calayan, Cagayan. Suspendido rin doon ang klase at trabaho sa pamahalaan, kasabay ng pagpapatupad ng liquor ban.
Sa Ilocos Norte, minadali ng ilang magsasaka ang pag-aani ng kanilang mga pananim. Nabasa rin ang ilang palay na kanilang pinatutuyo dahil sa mga pag-ulan na dala ng bagyo.
Batay sa 5 p.m. cyclone bulletin ng weather bureau, huling namataan ang bagyong Rosal may 350 kilometro sa silangan ng Itbayat, Batanes.
Patuloy na pinapayuhan ang mga residente, lalo na ang mga nasa baybaying lugar, na sumunod sa mga babala ng mga awtoridad at iwasang pumalaot o lumapit sa dagat habang mapanganib ang kondisyon ng panahon.










