Nakatakdang humarap sa National Police Commission o NAPOLCOM ngayong Lunes, Oktubre 26, ang isang criminology intern na nakuhanan ng litrato habang nagmamaneho ng motorsiklo nang walang suot na helmet.

Dakong alas-onse ng umaga nakatakdang magpaliwanag sa komisyon ang intern mula sa Philippine College of Criminology o PCCR, kasama si PCCR President Lei Bautista.

Matatandaang nagbabala na si NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan na posibleng hindi iproseso ang aplikasyon sa pagkapulis at hindi rin payagang kumuha ng NAPOLCOM examinations ang mga criminology intern na mapatutunayang lumabag sa batas-trapiko.

Binigyang-diin ng komisyon na kailangang matutong sumunod sa batas ang mga nangangarap na maging bahagi ng hanay ng mga tagapagpatupad nito.