
Hinimok ng Department of Education (DepEd) at Meta ang mga magulang na palakasin ang komunikasyon sa kanilang mga anak tungkol sa ligtas na paggamit ng social media, kasunod ng pag-aalala sa mga grupong online na umano’y nanghihikayat sa mga kabataan na gumawa ng ilegal na gawain.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, may mga grupong nagpapanggap na fraternity o magkakaibigan ngunit hinihikayat ang mga bata na magnakaw, manakit ng nakatatanda at gumawa ng iba pang mapanganib na gawain upang mapabilang sa grupo.
Binigyang-diin ni Angara na dapat maging maingat ang mga magulang sa online activities ng kanilang mga anak, gaya ng pagbabantay sa kanilang kaligtasan sa labas ng tahanan.
Samantala, sinabi ni Meta Head of Public Policy for the Philippines Gio Tingson na mahalagang talakayin sa mga bata ang oras na ginugugol nila online, impormasyong ibinabahagi at mga taong nakakausap sa social media.
Ayon kay Tingson, mayroon ding mga hakbang ang Meta para sa kaligtasan ng mga kabataan, kabilang ang Teen Accounts sa Facebook, Instagram, Messenger at Threads, na may mga proteksiyon batay sa edad at mga opsiyon para sa parental supervision.
Bahagi ang panawagan ng forum na “Digital Dialogue in Real Life: Safety Starts with Conversation,” na may libreng limang-araw na exhibit sa Glorietta sa Makati na magtatampok ng mga gabay at aktibidad tungkol sa digital safety hanggang Oktubre 30.










