Walang dapat ikabahala sa pagdaan ng pangkat ng Chinese aircraft carrier sa karagatan sa labas ng Mindanao, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), sa kabila ng pagpapakita umano ng China ng kakayahang militar nito sa rehiyon.

Ayon kay Retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng AFP para sa West Philippine Sea, mahalagang unawain ang mas malawak na kalagayang geopolitical sa rehiyon, kabilang ang mga pagsasanay militar ng China at ang Exercise Keen Sword na nilahukan ng Estados Unidos, Japan at iba pang katuwang na bansa.

Namataan ng Western Mindanao Command ang Liaoning Carrier Group ng People’s Liberation Army Navy noong Oktubre 22 habang dumaraan sa karagatang sakop ng kanilang operasyon, mula sa bahagi ng Zamboanga del Norte patungo sa Celebes Sea.

Ayon kay Trinidad, hindi pangkaraniwan ang pagsasagawa ng China ng mga pagsasanay gamit ang aircraft carrier, ngunit kapansin-pansin ang pagkakataong ito dahil mas malapit umano sa baybayin ng Pilipinas dumaan ang grupo, sa layong wala pang 50 nautical miles.

Mahigpit namang minonitor at sinundan ng Philippine Navy ang mga barkong Tsino, sa tulong ng Philippine Coast Guard at Philippine Air Force. Nagsagawa rin ng aerial surveillance at reconnaissance ang mga puwersang Pilipino.

-- ADVERTISEMENT --

Nagbigay rin ng radio challenge ang mga awtoridad ng Pilipinas sa mga barkong Tsino, ngunit hindi umano sumagot ang mga ito. Gayunman, tiniyak ng AFP na patuloy nilang sinusubaybayan ang mga sasakyang pandagat na dumaraan sa rehiyon upang matiyak ang kamalayan at kahandaan ng bansa sa mga aktibidad sa karagatan.