Iginiit ni House prosecutor Terry Ridon na hindi mababago ng prenuptial agreement nina Vice President Sara Duterte at asawang si Manases Carpio ang alegasyon na mayroon silang mahigit ₱800 milyong ari-ariang hindi naideklara.

Ayon kay Ridon, kailangang ideklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ang mga ari-arian ng mag-asawa, anuman ang umiiral na kasunduan sa kanilang pagmamay-ari.

Sinabi rin niyang magkasamang naghain ng SALN at income tax returns ang mag-asawa, kaya kailangang maipaliwanag ang mga nakitang pagkakaiba sa kanilang mga dokumentong pinansyal.

Batay sa pagsusuri ng testigong si Alex Cabrera, tinatayang nasa ₱817 milyon hanggang ₱1.5 bilyon ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman nina Duterte at Carpio.

Samantala, iniulat na nakatuon na lamang sa ikalawang artikulo ng impeachment complaint ang kaso laban sa Bise Presidente, na may kaugnayan sa umano’y hindi pagdedeklara ng mga ari-arian sa SALN at hindi pag-divest ng mga negosyo.

-- ADVERTISEMENT --

Nakatakdang simulan ng depensa ang paglalahad ng kanilang ebidensiya sa Nobyembre 9.