
Pinaigting ng National Food Authority (NFA) Cagayan ang pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa halagang P30 kada kilo para sa tuyo at malinis na palay, kasabay ng paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño sa suplay ng pagkain sa bansa.
Ayon kay NFA Cagayan Branch Manager Joseph Candaba, itinakda sa pinakamataas na presyo ang pagbili ng palay upang mahikayat ang mas maraming magsasaka na direktang magbenta sa ahensya sa halip na sa mga pribadong negosyante.
Tiniyak ni Candaba na nakahanda ang mga bodega ng NFA na tumanggap ng mga aning palay ngayong panahon ng anihan at magbubukas din ang ahensya ng karagdagang buying stations upang mapalawak ang pagbili sa mga magsasaka sa Cagayan at sa karatig lalawigan.
Itinaas na rin ng pamunuan ng NFA ang dating limitasyon sa dami ng palay na maaaring ibenta ng isang magsasaka, alinsunod sa lawak ng kanilang sakahan at katumbas na ani.
Nilinaw rin ni Candaba na tinatanggap nila ang mga magsasakang walang dalang RSBSA registration, basta makapagpakita ng sertipikasyon mula sa Municipal Agriculture Office upang mapatunayan na sa kanila ang ibinebentang palay.
Kabilang din sa mga isinusulong ng ahensya ang modernisasyon ng mga bodega at pasilidad, pagtatayo ng mga drying facility at rice mill, gayundin ang pagdaragdag ng mga hauling truck upang mapabilis ang pagkuha ng palay mula sa mga bukid.
Ayon kay Candava, nagpapatuloy ang mga proyekto sa Allacapan, Camalaniugan at Rizal, habang nakahanda rin ang pamunuan na pondohan ang panukalang bagong bodega sa Claveria kapag nakumpleto na ang proseso ng donasyon ng lupa.
Bukod dito, tuloy-tuloy rin ang distribusyon ng bigas na nagkakahalaga ng P20 kada kilo sa pamamagitan ng mga redemption center sa Cagayan at mga kalapit na lugar, bilang tulong sa mga mamimiling nangangailangan ng mas murang bigas.
Tiniyak naman ng NFA Cagayan na patuloy nilang tututukan ang pagbili ng palay at paghahanda ng sapat na suplay upang makatulong sa mga magsasaka at matugunan ang pangangailangan ng publiko, lalo na sa harap ng banta ng Super El Niño.
Sa ngayon ay mayroong humigit-kumulang 344,000 sako ng palay ang NFA Cagayan, na maaaring makalikha ng nasa 200,000 sako ng bigas.










