
Nasa kamay lamang ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagpapasya kung susuko siya sa mga awtoridad bago ang itinakdang deadline ng pamahalaan sa Biyernes, ayon sa kanyang abogado.
Ayon kay Atty. Israelito Torreon, batid na ng senador ang mga posibleng epekto ng pagsuko o hindi pagsuko sa mga awtoridad.
Huling nakausap umano ni Torreon si Dela Rosa noong Mayo, nang magpakita ang senador sa Senado matapos hindi makita sa publiko mula noong 2025.
Ngayong linggo, naghain ang kampo ni Dela Rosa ng manifestation sa Korte Suprema upang hilinging muling repasuhin ang naunang pagtanggi ng hukuman sa kanilang kahilingan para sa temporary restraining order laban sa pag-aresto sa senador.
Kabilang sa mga bagong pangyayaring kanilang inilahad ang anunsyo ng Department of the Interior and Local Government o DILG na ₱50-milyong pabuya para sa impormasyong magdudulot sa pagkakaaresto kay Dela Rosa.
Kinuwestiyon din ni Torreon ang legal na batayan ng pabuya, iginiit na walang warrant of arrest na inilabas ng korte sa Pilipinas laban sa senador. Aniya, hindi awtomatikong katumbas ng warrant na inilabas ng korte sa bansa ang warrant mula sa International Criminal Court o ICC.
Kinuwestiyon din ng abogado ang proseso sa pagdedeklara kay Dela Rosa bilang wanted person, ang batayan sa pagtatakda ng pabuya, at ang pinagmumulan ng pondong gagamitin dito.
Nagbabala rin siya na maaaring mahikayat ang mga armadong sibilyan na kumilos nang labag sa batas. Kinuwestiyon din niya ang pag-uuri sa senador bilang armado at mapanganib.
Sa kabila ng mga legal na hakbang ng kanyang kampo, nananatili ang Biyernes na deadline ng pamahalaan para sa pagsuko ni Dela Rosa. Reportedly, nasa ilalim umano ng proteksiyon ng isang armadong grupo sa Mindanao ang senador.










