
Nakabawi mula sa pagkatalo sa unang set si Filipina tennis star Alexandra “Alex” Eala upang talunin ang Australian na si Talia Gibson, 4-6, 6-2, 6-0, sa Round of 16 ng Pan Pacific Open sa Tokyo, Japan, nitong Miyerkules.
Sa kabila ng mabagal na simula, nanatiling palaban si Eala at dominado ang huling dalawang set upang makapasok sa quarterfinals sa unang pagkakataon ngayong Asian swing.
Sa ikalawang set, nakalamang si Eala, 5-2, bago tuluyang naipanalo ang set sa pamamagitan ng backhand winner. Lalo naman niyang pinatindi ang laro sa deciding set at hindi na pinaporma si Gibson, na nakakuha lamang ng anim na puntos sa set.
Sa quarterfinals, muling makakaharap ni Eala ang third seed na si Diana Shnaider ng Russia, na tumalo sa kaniya sa Round of 16 ng Ningbo Open sa China noong nakaraang linggo.










