
Itinanggi ni Police Master Sergeant Aileen Jane Mendoza na alam niyang naglalaman ng iligal na droga ang kargamentong nagkakahalaga ng ₱3.5 bilyon na tangkang ipuslit mula Laos patungong Pilipinas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, inamin ni Mendoza na siya ang naghanap ng eroplanong maaaring arkilahin para sa transportasyon ng kargamento, ngunit ang akala umano niya ay mga vape at sigarilyo lamang ang laman nito.
Ayon kay Mendoza, wala na siyang kinalaman sa pagproseso ng biyahe matapos niyang makahanap ng eroplanong maaaring rentahan.
Inamin din niyang hindi niya ipinaalam sa kaniyang superbisor na si Police Colonel Joanna Zarcilla ang tungkol sa chartered flight na nakatakdang dumating sa Maynila mula Laos.
Dahil dito, inirekomenda ni Senador Raffy Tulfo ang pagsisiyasat at pansamantalang pagsuspinde kay Zarcilla habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Giit ni Tulfo, hindi siya naniniwalang iisang sarhento lamang ang sangkot sa tangkang pagpupuslit ng tinatayang ₱3.54 bilyong halaga ng shabu, at posibleng may sabwatan sa mga ahensiyang nagpoproseso ng chartered flights.
Nauna nang itinuro ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang dating Bangsamoro Parliament member na si Edriezan Hadji Nasser Rimbang bilang politikong umano’y sangkot sa tangkang pagpupuslit. Ayon kay Remulla, nagbayad umano si Rimbang kay Mendoza para sa landing rights at paggamit ng pribadong hangar.
Gayunman, itinanggi ni Rimbang ang pagkakasangkot sa naturang tangkang pagpupuslit.
Samantala, inalis na si Mendoza sa kaniyang puwesto at kasalukuyang nasa restrictive custody ng Aviation Security Group ng Philippine National Police.









