Umabot umano sa ₱573 milyon ang kickback na natanggap ni Senator Jinggoy Estrada mula sa mga infrastructure project ng pamahalaan noong 2024 hanggang 2025, ayon sa testimonya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo.

Inilahad ito ni Bernardo sa bail hearing ng kasong plunder laban sa senador sa Sandiganbayan Fifth Division, kung saan sinabi niyang nagmula ang umano’y kickback sa 25 porsiyentong commitment fee para sa mga proyektong iniendorso ni Estrada.

Ayon kay Bernardo, ibinigay umano sa kanya ni dating Bulacan First District Engineer Henry Alcantara ang naturang pera at idineliber sa isang kuwarto sa Diamond Hotel sa Maynila.

Idinagdag niyang pansamantalang itinago ang pera sa isang bulletproof van sa basement parking ng hotel sa loob ng ilang araw.

Ayon pa kay Bernardo, nakikipag-ugnayan siya kay Estrada sa pamamagitan ng tawag sa telepono at personal na pagbisita upang talakayin ang umano’y karagdagang pondong hinihingi ng senador para sa gastos sa 2025 midterm elections.

-- ADVERTISEMENT --