
Itinuring ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makasaysayang tagumpay para sa Bangsamoro at ng buong bansa ang pagbubukas ng unang sesyon ng mga unang halal na Bangsamoro Parliament.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na pormal nang nagtatapos ang pitong taong pamamahala ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) at nagsisimula na ang regular na pamahalaang pinamumunuan ng isang parlamento sa rehiyon.
Binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng kapayapaan at pinasalamatan ang mga pinunong nagsikap upang makamit ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sinabi rin ng Pangulo na magsisimula nang gampanan ng 80 halal na kasapi ng Parlamento ang kanilang tungkulin, kabilang ang pagpili sa Punong Ministro at Tagapagsalita ng Parlamento na mamumuno sa bagong pamahalaan.
Tiniyak naman ni Pang. Marcos na patuloy na susuportahan ng pambansang pamahalaan ang sariling pamamahala ng Bangsamoro at ang mga programang magpapalakas sa kabuhayan at kaunlaran ng rehiyon.
Umaasa ang Pangulo na magbubukas ang bagong yugto ng pamamahala tungo sa mas mapayapa at maunlad na Bangsamoro.










