
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng amnestiya sa apat pang dating rebelde, kung saan umaabot na sa 20 ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo, ayon sa National Amnesty Commission (NAC).
Ang pag-apruba, na nilagdaan noong Marso 31, ay kasabay ng pagtatapos ng unang quarter ng taon at ng deadline ng pagsusumite ng aplikasyon para sa amnestiya ng mga saklaw na grupo.
Ayon sa komisyon, pinapabilis na rin nila ang pagsusuri sa mahigit 16,000 aplikasyon na kasalukuyang under evaluation, na may layuning maipasa pa ang mas maraming kaso sa Pangulo para sa pinal na pag-apruba.
Sa kabuuang bilang ng mga nabigyan ng amnestiya, 19 ay dating miyembro ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front, habang isa naman ay dating kasapi ng Moro Islamic Liberation Front.
Ayon sa NAC, ang pagbibigay ng amnestiya ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga dating rebelde na makabalik sa lipunan at muling buuin ang kanilang buhay, kasama ang ganap na pagbabalik ng kanilang civil at political rights.
Ipinapakita rin ng hakbang na ito ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan para sa inclusive peace at pagkakasundo, at hinihikayat ang mga miyembro ng mga grupong saklaw ng Proclamations 403 hanggang 406 na muling sumunod sa batas.
Dagdag pa ng NAC, patuloy nilang pinapabilis ang pagproseso ng libu-libong aplikasyon upang mas marami pang kaso ang maipasa sa Pangulo para sa pagsusuri at pag-apruba.









