
Sugatan ang apat na indibidwal matapos gumuho ang isang bahagi ng truss na ginagamit sa lights and sound setup ng isang pribadong event sa loob ng FilOil Arena sa San Juan City nitong Biyernes.
Ayon sa San Juan City CRRDMO, pagmamay-ari ng technical supplier ng event ang gumuhong truss at hindi ito bahagi ng mismong istruktura ng arena.
Batay sa paunang ulat ng San Juan City Police, tatlo sa mga biktima ang nagtamo ng minor injuries at pinayagan nang makauwi, habang nananatiling naka-confine ang isa para sa karagdagang pagsusuri at gamutan.
Nagpahayag naman ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng San Juan at nanawagan ng panalangin para sa mga nasugatan.
Patuloy na iniimbestigahan ng LGU at pulisya ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari at matiyak ang pananagutan ng mga sangkot.










