
Nagpadala rin si Marcos Jr. ng mga bulaklak sa puntod ng yumaong sina dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at mga dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino at Benigno “Noynoy” Aquino III sa Manila Memorial Park, Parañaque City ngayong Undas.
Matatandaang si Ninoy ang pangunahing oposisyon sa ama ni Marcos Jr. na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ang pagpaslang sa kaniya sa Manila International Airport noong 1983 ay isa sa mga nagpasiklab sa 1986 People Power Revolution, na nagpatalsik kay Marcos Sr. at nagpaupo naman sa pagkapangulo ni Cory Aquino.
Bukod pa rito, pribadong binisita ni Pangulong Bongbong Marcos at kaniyang pamilya ang puntod ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani, Taguig City.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), isinagawa ng Pangulo ang private gravesite visit sa kaniyang ama noong October 30.
Sinamahan naman siya ng kaniyang ina na si dating Unang Ginang Imelda Marcos, kapatid na si Irene Marcos-Araneta, at ibang miyembro ng kaniyang pamilya.










