Umabot sa 8,721 katao ang nabigyan ng tulong medikal ng Philippine Red Cross (PRC) sa buong bansa mula Oktubre 29 hanggang alas-nuwebe ng umaga nitong Nobyembre 2, kasabay ng paggunita ng Undas 2026.

Ayon sa PRC, lahat ng mga pasyente ay sumailalim sa vital signs monitoring. Sa bilang na ito, 359 ang naitala sa minor cases habang 19 naman ang classified bilang major cases.

Kabilang sa mga minor cases ang pagkahilo, pananakit ng ulo, sugat, hirap sa paghinga, paso, altapresyon at mga pinsala sa aksidente sa motorsiklo. Samantala, kabilang sa major cases ang pananakit ng dibdib, seizure, hinihinalang stroke, cardiac arrest at heat stroke.

Siyam na pasyente rin ang dinala sa ospital dahil sa stroke, panghihina ng katawan, pagkawala ng malay at mababang blood sugar.

Bukod sa serbisyong medikal, nakapagbigay rin ang PRC ng 297 welfare assistance, wheelchair service sa 25 katao at tubig sa 149 indibidwal.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpakalat ang ahensya ng 1,977 tauhan at boluntaryo, kasama ang 73 ambulansya, 404 first aid station at 131 welfare desk sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Magpapatuloy ang Undas Operation 2026 ng Philippine Red Cross hanggang Nobyembre 3.