Nangako si Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na iimbitahan ang mga civil society organizations o CSOs upang mag-obserba sa bicameral conference committee deliberations para sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang badyet sa 2027.

Ayon kay Ejercito, gaya noong nakaraang taon, isasagawa rin nang live-stream ang pagtalakay upang masubaybayan ng publiko ang proseso ng pag-uugnay sa magkaibang bersiyon ng panukalang badyet ng Senado at Kamara.

Giit ng senador, makatutulong ang mas maraming tagamasid upang matukoy ang mga proyektong hindi dumaan sa wastong pagsusuri at mga posibleng huling minutong insertion sa badyet.

Sa pagdinig ng Senate Finance panel noong Oktubre 26, nagbabala ang People’s Budget Coalition tungkol sa mahigit ₱1 trilyong umano’y kahina-hinalang alokasyon sa bersiyon ng badyet na inaprubahan ng Kamara.

Samantala, kasalukuyang tinatapos ng komite ang ulat nito, na pormal na ihaharap ni Ejercito sa plenaryo ngayong Nobyembre.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok din ng senador ang publiko na gamitin ang mga digital tool ng mga CSO upang masuri ang mga dokumento at matukoy ang mga kuwestiyonableng alokasyon ng pondo.