
Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na kuha tatlong taon na ang nakalipas ang kumakalat na larawan na umano’y nagpapakita kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa isang sementeryo sa Digos City.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, kinumpirma ng kanilang technical team na hindi bago ang naturang larawan. Kinumpirma rin umano ito ng mismong may-ari ng litrato.
Itinanggi rin ni Co na kamakailan lamang nagpakita sa naturang lugar ang senador. Gayunman, patuloy na nakatatanggap ang pulisya ng mga impormasyon mula sa publiko hinggil sa kinaroroonan ni Dela Rosa.
Sinabi niyang bineberipika ng mga awtoridad ang bawat tip, ngunit hindi muna maaaring ibunyag ang detalye ng kanilang operasyon. Nagbabala rin siya na maaaring managot sa batas ang mga sadyang nagpapakalat ng maling impormasyon o bumabara sa police hotlines ng mga pekeng ulat.
Wanted si Dela Rosa ng International Criminal Court kaugnay ng kasong crimes against humanity na nag-ugat sa kampanya kontra droga ng dating administrasyon ni Rodrigo Duterte. Nahaharap siya sa alegasyong pagiging kapwa salarin sa mga umano’y krimen.
Nauna namang sinabi ng Department of the Interior and Local Government na nagtatago umano ang senador sa Mindanao sa ilalim ng proteksiyon ng isang armadong grupo, bagaman hindi nito pinangalanan ang nasabing grupo.
Naglaan ang pamahalaan ng ₱50-milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa ikaaaresto ng senador.










