Itinanggi ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang mga espekulasyong nagbibigay ito ng proteksiyon kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Sa pahayag ng tanggapan ni MNLF Chairman Muslimin Sema, sinabi ng organisasyon na wala itong pormal na ugnayan kay Dela Rosa at walang beripikadong ebidensiyang miyembro, kaalyado o kasalukuyang pinoprotektahan siya ng grupo.

Kinilala naman ng MNLF ang posibleng personal at pampulitikang koneksiyon ng senador sa ilang personalidad na may kaugnayan sa organisasyon, partikular sa pamamagitan ng ugnayan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay MNLF founder Nur Misuari.

Gayunman, sinabi ng grupo na watak-watak ang organisasyon at hindi tiyak kung kayang protektahan ng paksyon ni Misuari ang senador laban sa pag-aresto.

Nauna nang nag-alok ang Department of the Interior and Local Government ng ₱50-milyong pabuya para sa ikadarakip ni Dela Rosa, na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong administrasyong Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ng DILG na nakikipag-usap ang mga awtoridad sa grupong umano’y nagbibigay ng proteksiyon sa senador upang makumbinsi siyang sumuko at maiwasan ang posibleng marahas na komprontasyon.