Mag-iisyu ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga taong nasa likod ng isang pet crematorium kaugnay ng umano’y iregular na pagtatapon ng mga labi ng mga aso at pusa sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, ipatatawag nila ang mga responsable at hihingin ang mga kaugnay na dokumento ng establisimyento bilang bahagi ng imbestigasyon. Nakipagpulong na rin siya sa mga pet owner na naghain ng reklamo at mga kinatawan ng mga non-government organization.

Kabilang sa mga hakbang ng NBI ang pag-iimbentaryo ng mga ebidensiya, pagsusuri sa mga kuha ng video at pagbisita sa mga lugar na may kaugnayan sa insidente.

Posibleng maharap ang pet crematorium sa ilang kaso, kabilang ang estafa at paglabag sa mga batas pangkalikasan, dahil sa umano’y maling pagtatapon ng mga labi ng hayop. Maaari ring sampahan ng obstruction of justice ang sinumang mapatutunayang nagbanta sa mga nagrereklamo.

Samantala, iniulat ng Philippine Animal Welfare Society na nakapangalap ito ng 191 affidavit at iba pang dokumento mula sa mga pet owner. Dalawampu’t lima na ang nakakuha muli sa mga labi ng kanilang alagang hayop, at 12 sa mga ito ang pormal na humingi ng tulong sa organisasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Mahigit 20 labi ng mga aso at pusa ang natagpuan sa loob ng mga selyadong plastic bag na itinapon sa gilid ng kalsada sa Barangay Minuyan Proper. Iniuugnay ang insidente sa hinihinalang mapanlinlang na operasyon ng isang pet crematorium na nakabase sa Bacoor City, Cavite.