Itinanggi ni Vice President Sara Duterte na pag-aari niya ang lupang ipinakita ng National Bureau of Investigation (NBI) na sinasabing nakalista sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Sa kanyang statement, kinuwestyon ni VP Sara ang paggamit umano ng NBI sa pondo ng taumbayan para sa mga operasyong wala namang malinaw na pakinabang sa publiko.

Inakusahan din ng Bise Presidente ang ahensya ng panlilinlang sa publiko at iniugnay ito sa umano’y paggamit ng mga kuwestiyonableng ebidensya, kabilang ang affidavit ni Rodulfo Gracioso Jr.

Iginiit pa ni VP Sara na ito umano ang dahilan kung bakit inalis ang NBI sa listahan ng mga testigong ihaharap ng prosecution sa kanyang impeachment trial.

Ayon sa Bise Presidente, dapat tiyaking naaayon sa batas, nakabatay sa katotohanan at nagsisilbi sa interes ng publiko ang bawat operasyon ng mga ahensyang pinopondohan ng taumbayan.

-- ADVERTISEMENT --

Kasunod ito ng pagsisiyasat ng NBI sa 14 na real property na nakatala umano sa SALN ni VP Sara, kaugnay ng alegasyong may mga perang inihatid sa pamilya Duterte.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, sinusuri nila kung posibleng ginamit ang perang umano’y inihatid ni Gracioso sa pagbili ng mga lupa at pagpapaunlad ng mga resort, hotel at iba pang negosyo.

Kabilang sa mga tinukoy ng NBI ang mga ari-arian sa Barangay Catigan at Samal, habang may isang lupang idineklara umano sa halagang P900,000 ngunit mas mataas ang sinasabing halaga ng resort na nasa lugar.

Una nang hinamon ni Davao City Representative Paolo Duterte ang NBI na maglabas ng konkretong ebidensya sa halip na umasa lamang sa mga larawan at alegasyon.

Una nang itinanggi ni VP Sara ang alegasyon ni Gracioso na naghatid siya ng mga maletang may lamang pera sa Bise Presidente.