
Natuklasan ng Department of Agriculture (DA) at mga civil society group ang hindi pagtutugma ng coordinates sa walo sa kabuuang 1,669 na panukalang farm-to-market road (FMR) projects na nakapaloob sa 2027 national budget.
Dahil dito, iniutos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang masusing pagsusuri sa mga paglalarawan ng proyekto, mga kaugnay na dokumento at proseso ng validation upang matiyak na tama at mapatutunayan ang impormasyong isinumite ng ahensya.
Ayon sa DA, natukoy ang mga pagkakaiba sa coordinates matapos makipag-ugnayan sa People’s Budget Coalition, Bisto Proyekto.ph at Bureau of Agriculture and Fisheries Engineering. Lumabas sa pagsusuri na isa o dalawang numero lamang sa coordinates ang na-type nang mali.
Tiniyak ni Tiu Laurel na itatama ng ahensya ang anumang pagkakamali, typographical man o iba pa. Iniutos din niya ang pagpapahusay sa geotagging, internal review at third-party validation ng mga dokumento ng proyekto.
Nakalaan sa panukalang ₱198.45-bilyong pondo ng DA para sa 2027 ang ₱16 bilyon para sa FMR projects—mas mababa sa ₱33 bilyong inilaan para rito ngayong 2026.
May online portal din ang DA para sa transparency at pagsubaybay sa mga farm-to-market road projects sa buong bansa.








