Umakyat na sa 153 ang bilang ng mga pet owner na naghain ng pormal na reklamo laban sa Ahjay Paws Aftercare sa Bacoor City dahil sa umano’y hindi wastong pagtatapon ng mga labi ng kanilang alagang hayop at posibleng panloloko sa mga kliyente.

Kasunod ito ng pagkakatuklas sa mga labi ng mga aso at pusa sa isang bakanteng lote sa Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte City, Bulacan.

Ayon sa paunang imbestigasyon, mula sa Bacoor dinala ang mga hayop na natagpuan.

Sinabi ni Bacoor City Police Chief Police Lieutenant Colonel Alexie Desamito na nangangalap na sila ng mga salaysay at ebidensiya upang suportahan ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga posibleng managot.

Ilan sa mga complainant ay nagsumite rin ng abo na ibinigay umano ng crematorium upang isailalim sa forensic examination.

-- ADVERTISEMENT --

Aalamin kung tunay na abo ng kanilang mga alagang hayop ang mga ito, na maaari ring magsilbing ebidensiya sa reklamong estafa.

Nauna nang ipinasara ng pamahalaang lungsod ng Bacoor ang establisimyento.

Patuloy din ang imbestigasyon upang matukoy kung may iba pang indibidwal o service provider na sangkot sa insidente.