
Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang panawagang gumamit ng “shoot-to-kill” approach laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa at iginiit na dapat pairalin ang due process sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa dating hepe ng pulisya.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., tungkulin ng mga pulis na ipatupad ang batas at hindi kumilos na parang sila mismo ang batas.
Binigyang-diin niyang dapat igalang ang karapatang pantao at umiwas sa paggamit ng labis na puwersa sa anumang operasyon.
Naglabas ng pahayag ang PNP matapos itanggi ni Cagayan de Oro 1st District Representative Lordan Suan ang kumakalat na pahayag na iniuugnay sa kaniya at nananawagan umano ng “shoot-to-kill” laban kay Dela Rosa.
Ayon sa kongresista, gawa-gawa ang naturang pahayag.
Patuloy na hinahanap si Dela Rosa kaugnay ng warrant of arrest na inisyu dahil sa mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court.
Nag-expire na noong Oktubre 30 ang isang linggong palugit na ibinigay sa senador upang sumuko.
Inatasan ni Nartatez ang mga police unit na pairalin ang pagpipigil at tiyaking naaayon sa batas, proporsyonal at may paggalang sa karapatang pantao ang anumang operasyon.
Aniya, hindi dapat isakripisyo ang batas sa paghahangad ng pananagutan at katarungan.










