May natagpuang mga file na naglalaman umano ng materyales na may seksuwal na pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata sa ilang digital device na pinaniniwalaang pag-aari ni Thomas Markle Sr., ama ng Duchess of Sussex na si Meghan Markle.

Ayon sa pulisya, kabilang sa mga sinuri ang siyam na cellphone, tatlong SD card, limang hard drive at isang kamera na isinuko ng anak nitong si Thomas Markle Jr. noong Oktubre 23.

Batay sa paunang pagsusuri, may mga video umano na nagpapakita ng menor de edad na sangkot sa seksuwal na aktibidad, gayundin ng mga nasa hustong gulang.

Sinabi ng mga awtoridad na ang mga indibidwal at lugar sa mga materyales ay mula sa ibang bansa at hindi mula sa Pilipinas.

Isasailalim pa sa mas malalim na digital forensic examination ang mga file matapos makakuha ng kaukulang warrant ang pulisya.

-- ADVERTISEMENT --

Inaalam din kung lumilitaw si Markle Sr. sa alinman sa mga video.

Bumuo na rin ng task force ang Police Regional Office upang tipunin ang mga ebidensiya at ihanda ang posibleng pagsasampa ng kaso kaugnay ng paglabag sa Republic Act 11930 o Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.

Nakikipagtulungan din sa lokal na pulisya ang Federal Bureau of Investigation ng Estados Unidos sa imbestigasyon.