Pumanaw sa edad na 30 ang striker ng CD Tenerife na si Jesus de Miguel noong Martes, isang araw matapos siyang atakehin sa puso kasunod ng banggaan sa isang football match sa Spain.

Nangyari ang insidente sa laban kontra Andorra nang salubungin siya ng tuhod ng goalkeeper na si Jesus Owono habang sinusubukan nitong saluhin ang isang mahabang bola. Bumagsak si De Miguel at agad na nilapatan ng lunas sa loob ng mahigit limang minuto bago isinugod sa ospital. Kalaunan ay inabandona ang laro.

Nagbukas ng imbestigasyon ang mga pulis kaugnay ng pagkamatay ng manlalaro, kabilang ang posibilidad ng kasong involuntary manslaughter. Nilinaw naman ng mga awtoridad na karaniwang proseso sa Spain ang pagsasagawa ng judicial inquiry sa mga pagkamatay na hindi itinuturing na natural.

Nagpaabot ng pakikiramay ang Andorra, Barcelona, Real Madrid at iba pang football clubs. Ipinagpaliban din ng Spanish Football Federation ang mga nakatakdang laban bilang pakikiisa sa pamilya at koponan ni De Miguel.

Sumali si De Miguel sa Tenerife bago ang 2025-2026 season mula sa Castellon at nakapagtala ng 11 goal noong nakaraang season.

-- ADVERTISEMENT --