
Wala pang tiyak na sagot ang Malacañang kung lalagdaan ang Pax Silica framework sa pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas para sa ASEAN Summit ngayong Nobyembre.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hinihintay pa ng pamahalaan ang tugon ng panig ng Estados Unidos kaugnay ng draft agreement. Nauna nang nakipagpulong ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa Office of the President at nagsumite ng memorandum kasama ang Department of Trade and Industry para sa gabay sa negosasyon at pinal na pagbuo ng kasunduan.
Samantala, muling tiniyak ng Palasyo na pinakikinggan ang mga pangamba ng publiko, partikular ang posibleng displacement ng mga komunidad ng Aeta at iba pang katutubo sa Tarlac dahil sa proyekto.
Ayon kay Castro, sa itinakdang buildable zone lamang itatayo ang mga pasilidad, habang nakalaan ang natitirang bahagi ng mahigit 6,000 ektaryang lugar para sa mga komunidad na matagal nang naninirahan dito, kabilang ang mga magsasaka at katutubo.
Gayunman, nakasalalay pa rin sa magiging tugon ng US ang susunod na hakbang sa pinal na pagbuo ng Pax Silica framework.










