
Hindi umano sapat ang pakinabang ng mga magsasaka sa lumalaking pandaigdigang demand para sa ube, sa kabila ng pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, umakyat sa ₱80 kada kilo ang average retail price ng ube noong 2025, ngunit bumaba naman ng halos 10 porsiyento ang farmgate price sa ₱40.70 kada kilo mula ₱45.24 noong 2024.
Dahil dito, isinusulong ni House Representative Brian Poe Llamanzares ang mas direktang ugnayan ng mga magsasaka at exporters upang mabawasan ang mga middleman at mas malaking bahagi ng kita ang mapunta sa mga nagtatanim.
Nakatanggap din ang Pilipinas ng US$34.1 milyon o tinatayang ₱2.1 bilyong grant mula sa Estados Unidos para palakasin ang ube industry sa loob ng limang taon, na inaasahang makikinabang ang mahigit 12,500 magsasaka.
Kabilang sa mga kailangang paglaanan ng pondo ang de-kalidad na planting materials, irigasyon, farm-to-market roads, post-harvest facilities at pananaliksik.
Nanawagan din si Llamanzares na palawakin ang pagproseso ng ube sa bansa upang hindi lamang hilaw na produkto ang iniluluwas.
Noong 2025, umabot sa 12,483 metric tons ang produksyon ng ube sa Pilipinas, mas mababa ng 6.7 porsiyento kumpara noong 2024.
Para sa mga magsasaka, mahalagang matiyak na ang lumalaking pandaigdigang demand ay magbubunga rin ng mas mataas na presyo at mas matatag na kita.










