
Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na may personal staff si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez na nananatili sa loob ng kaniyang selda sa New Quezon City Jail upang tumulong sa kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa pagdinig sa Sandiganbayan nitong Huwebes, sinabi ni Jail Warden Lourdes Pacion na pinayagan niya ang presensya ng personal staff dahil, batay sa kaniyang pagtatasa, hindi pa umano matatag ang mental state ni Romualdez. Dagdag niya, bahagi ito ng humanitarian consideration dahil hindi kayang tugunan ng jail personnel ang lahat ng personal na pangangailangan ng kongresista.
Mariin ding itinanggi ni Pacion ang alegasyong nakalalabas ng pasilidad si Romualdez sakay ng ambulansya o anumang sasakyan. Ayon sa kaniya, nananatili ang kongresista sa kaniyang selda at paminsan-minsan ay lumalabas lamang sa loob ng pasilidad, habang sa mga pagdinig ay gumagamit ng courtroom na nasa loob mismo ng kulungan.
Samantala, inamin ni Ramon Tulfo na mali ang impormasyong natanggap niya hinggil sa umano’y paglabas-masok ni Romualdez sa kulungan. Sinabi niyang maling ulat ang naipasa sa kaniya.
Dahil dito, iginiit ng kampo ni Romualdez na nakapinsala sa kanilang kliyente ang naunang alegasyon. Sinabi naman ng abogado nitong si Ade Fajardo na pinatutunayan ng testimonya ng BJMP na hindi nagsagawa ng lihim na biyahe sa labas ng pasilidad ang kongresista.
Gayunman, nilinaw ni Fajardo na wala siyang personal na kaalaman tungkol sa katayuan ng personal assistant ni Romualdez. Inaasahang susuriin pa ng Sandiganbayan ang mga logbook at CCTV footage ng kulungan sa susunod na pagdinig.
Dagdag ng abogado, patuloy na mino-monitor ang kalagayan ng kalusugan ni Romualdez.










