Naghain ang kampo ni Vice President Sara Duterte ng listahan ng 25 indibidwal na nais nitong iharap bilang mga testigo sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa susunod na linggo, Nobyembre 9 hanggang 13.

Ayon kay Senate impeachment court spokesperson Regie Tongol, nakatanggap ang korte noong Nobyembre 4 ng dalawang pormal na kahilingan ng depensa para sa pagpapalabas ng subpoena sa mga testigo at kaugnay na dokumento.

Kabilang sa unang nakalistang testigo si law professor Dean Ralph Sarmiento, na tumanggi nang tumestigo para sa alinmang panig. Inaasahan sana siyang magpaliwanag tungkol sa mga prinsipyong legal at konstitusyonal na may kaugnayan sa impeachment case, partikular sa Article II na tumatalakay sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.

Kabilang din sa mga nais iharap ng depensa ang mga opisyal ng GenCorp Industries at Metro City Chow Foods, mga city assessor mula Davao City at Island Garden City of Samal, at mga kinatawan ng ilang bangko.

Inaasahang tatalakayin ng mga testigong ito ang mga usapin tungkol sa mga ari-arian, tax declaration, corporate records, sahod at iba pang transaksiyong pinansyal na may kaugnayan sa mga alegasyon laban kay Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ng impeachment court na ilalabas sa susunod na panahon ang pagkakakilanlan ng mga testigo para sa mga pagdinig sa Nobyembre 19, 20 at 23.

Dadaan muna sa pagsusuri ni Senate President Pro Tempore Francis “Chiz” Escudero ang mga kahilingan para sa subpoena upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga tuntunin ng korte, partikular sa kaugnayan at pagiging katanggap-tanggap ng mga testigo at dokumentong ihaharap.