Iminungkahi ni Transportation Secretary Vince Dizon na repasuhin ang kasalukuyang limitasyon sa bilang ng mga rider na maaaring tanggapin ng mga motorcycle taxi company, bunsod ng kakulangan umano ng mga available na sasakyan kumpara sa pangangailangan ng mga pasahero sa Metro Manila.

Ayon kay Dizon, kailangang suriin ang aktuwal na supply at demand ng serbisyo, kabilang ang dami ng pasahero at mga available na motorsiklo. Tatalakayin niya ito kasama ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.

Inihayag ito habang iniimbestigahan ng LTFRB ang motorcycle taxi provider na Move It dahil sa umano’y paglampas nito sa awtorisadong limitasyon na 17,746 riders. Iniulat na lumampas ang kumpanya sa naturang bilang ng mahigit 55,000 rider.

Sinuportahan naman ng Coalition of Filipino Commuters ang panukalang repasuhin ang limitasyon at iayon ang regulasyon sa aktuwal na pangangailangan ng mga pasahero. Ayon sa grupo, dapat nakatuon ang mga patakaran sa pagpapalakas ng kaligtasan at pananagutan ng mga motorcycle taxi service, nang hindi labis na nililimitahan ang kanilang kakayahang makapagsilbi sa publiko.