Tumanggi ang law professor na si Ralph Sarmiento na humarap bilang saksi para sa defense team ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial nito, upang mapanatili ang kaniyang kalayaan at kawalang-kinikilingan bilang eksperto sa konstitusyon.

Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Sarmiento na hiniling na niya sa depensa na bawiin ang kahilingan para sa pagpapalabas ng subpoena na mag-uutos sa kaniya na humarap sa impeachment court. Kung naipalabas na ito, hiniling din niyang kanselahin.

Nirerespeto naman ng defense team ang naging desisyon ni Sarmiento, ayon kay defense counsel Michael Poa, at pinasalamatan ang propesor sa una nitong pagsasaalang-alang sa kanilang imbitasyon.

Itinuring si Sarmiento bilang unang saksi ng depensa kaugnay ng mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban sa bise presidente. Inaasahan sana siyang humarap sa witness stand sa Nobyembre 9.

Si Sarmiento ay propesor ng political at constitutional law sa University of St. La Salle College of Law at dating vice chancellor ng unibersidad.

-- ADVERTISEMENT --