
Namataan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang iba’t ibang kilos ng tinatayang 30,000 large flying foxes sa Kulaman Valley, Arakan, Cotabato, kabilang ang pagpapasuso sa mga anak, pag-aasawa at paglilinis ng katawan.
Sa isinagawang monitoring noong Oktubre 24 hanggang 26, naobserbahan ang isang inang paniki na pinapainit at pinoprotektahan ang kaniyang anak habang nagpapasuso.
Napansin din ang maingat na paglilinis ng mga paniki sa kanilang balahibo at pakpak gamit ang kanilang mahahabang dila.
Natukoy ding namamahinga ang mga ito sa 39 na puno ng iba’t ibang uri. Mahalaga ang large flying foxes sa kalikasan dahil tumutulong ang mga ito sa polinasyon at pagpapakalat ng mga buto na kailangan sa pagpapanumbalik ng kagubatan.
Gayunman, kabilang ang mga ito sa mga nanganganib na uri ng paniki dahil sa pangangaso at iba pang maling paniniwala tungkol sa pinsala sa pananim at pagkalat ng sakit.
Dahil dito, binigyang-diin ng DENR ang patuloy na pagmamanman, pangangalaga sa kanilang tirahan at pagpapalaganap ng kaalaman upang maprotektahan ang mga flying fox at ang biodiversity ng bansa.










