
Naglabas ng Show Cause Order ang Land Transportation Office (LTO) Region 2 laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang tricycle na umano’y nag-counterflow sa one-way road sa Tuguegarao City.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakasalubong ng tricycle ang isang pickup truck na nasa tamang direksiyon kaya napilitang huminto ang huli sa mismong daraanan nito.
Posibleng paglabag sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code ang naging batayan ng LTO sa pagpapalabas ng naturang kautusan.
Binigyang-diin naman ng LTO Region 2 na hindi nito kukunsintihin ang anumang paglabag sa batas-trapiko dahil maaaring malagay sa panganib ang buhay at kaligtasan ng iba pang motorista at road users.










