
Inaasahang madaragdagan ang produksyon ng mga pananim at mapalalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Tabuk City, Kalinga kasunod ng pagpapasinaya sa P30-M Small Water Impounding Project o SWIP sa Sitio Magasusu, Barangay Bulo.
Pormal na pinasinayaan ang proyekto noong Nobyembre 5, 2026, na ipinatupad ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng Bureau of Soils and Water Management.
Ayon kay Kalinga Vice Governor Dave Odiem, mahalaga ang proyekto sa pagprotekta sa kabuhayan ng mga magsasaka at pagpapalakas sa kakayahan ng sektor ng agrikultura na makayanan ang pabago-bagong lagay ng panahon.
Aniya, makatutulong ang pasilidad na matiyak ang sapat na suplay ng tubig para sa pagsasaka, mapanatili ang tuloy-tuloy na produksyon ng mga pananim at mabawasan ang epekto ng matagal na tagtuyot, lalo na sa harap ng banta ng El Niño.
Ayon naman kay Mokon Oticao, pangulo ng Magasusu Small Water Impounding System Association, mahigit 30 ektarya ng sakahan ang inaasahang makikinabang dito, kung saan maaari nang magkaroon ng dalawang cropping season kada taon mula sa dating isang beses lamang na pagtatanim.
Nagpakawala rin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng tinatayang 20,000 tilapia fingerlings sa impounding dam upang suportahan ang aquaculture at magbigay ng karagdagang pagkakakitaan sa mga residente.
Nakikita rin ang potensiyal ng lugar bilang agritourism destination na maaaring magbukas ng dagdag na oportunidad sa kabuhayan.
Samantala, hinimok ng mga opisyal ng pamahalaan ang komunidad na pangalagaan ang pasilidad upang matiyak ang pangmatagalang pakinabang nito sa mga magsasaka at susunod na henerasyon.










