Tumanggap ang Talabutab Norte Primary Multipurpose Cooperative sa Nueva Ecija ng rice processing facility na nagkakahalaga ng P65.6 milyon mula sa Department of Agriculture (DA).

Ipinagkaloob ang pasilidad sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund Mechanization Program upang mabawasan ang pagdepende ng mga magsasaka sa mga pribadong pasilidad para sa pagpapatuyo at paggiling ng palay.

Kabilang dito ang rice mill na kayang magproseso ng dalawa hanggang tatlong tonelada kada oras at nagkakahalaga ng P54.7 milyon, gayundin ang tatlong mechanical dryer na may kapasidad na 24 tonelada bawat batch at nagkakahalaga ng P10.88 milyon.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, inaasahang mapananatili ng pasilidad ang kalidad ng palay at mabibigyan ang mga magsasaka ng mas malaking bahagi ng kita mula sa kanilang ani.