Posibleng tumaas ang presyo ng mga produktong agrikultural dahil sa paghina ng piso laban sa dolyar, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Paliwanag ni DA spokesperson Arnel de Mesa, mas maraming piso ang kakailanganin upang makabili ng mga imported na produkto gaya ng bigas at pataba. Umabot sa record low na P64.18 ang palitan ng piso kada dolyar sa intra-day trading nitong Miyerkules.

Inaasahan din ng DA na maaaring tumaas pa ang presyo ng bigas sa Nobyembre at Disyembre dahil sa posibleng epekto ng El Niño. Ayon sa ahensya, umabot na sa 4.36 milyong metriko tonelada ang dumating na imported rice hanggang Oktubre 22.

Gayunman, tiniyak ng DA na sapat ang suplay at imbentaryo ng mga pangunahing pagkain para sa pangangailangan ng bansa hanggang matapos ang 2026, mula sa lokal na produksyon at mga inaangkat na produkto.