
Sinita ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ilang ahensiya at opisyal ng pamahalaan dahil sa kanilang mga pampublikong pahayag tungkol sa China na maaaring makasagabal umano sa mga pagsisikap na diplomatiko ng Pilipinas.
Ayon sa DFA, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangunahing nagtatakda ng patakarang panlabas ng bansa kaya inaasahang susunod dito ang lahat ng opisyal, sibilyan man o militar.
Tinukoy ng ahensiya na maaaring makapagpalubha sa trabaho ng mga diplomat ang paghahalo ng mga pampublikong pahayag, dokumentadong insidente at opisyal na mensaheng diplomatiko.
Gayunman, nilinaw ng DFA na mahalaga ang pagdodokumento at pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa mga insidente sa West Philippine Sea, ngunit hindi ito dapat ipagkamali bilang kapalit ng diplomasya at estratehiya ng pamahalaan.
Naglabas ng pahayag ang DFA kasunod ng pag-uusap nina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro at Chinese Foreign Minister Wang Yi, bilang bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang ugnayan ng dalawang bansa bago ang mga nakatakdang ASEAN at APEC summit ngayong Nobyembre.




